Matagumpay na pagtatapos
Si Kamote ay graduate na.
Naks. Sa wakas. Sa tinagal-tagal ng pagtambay ko sa pamantasan, naka-takas rin. Tapos na ang mga araw na kailangan kong humingi sa magulang ko ng pambaon, pamasahe, at pera para sa group contribution at special projects. Hindi ko na kailangang gumawa ng assignment na hindi ko naman talaga ginagawa, kumopya ng notes na hindi ko naman sinusulat, at manghiram ng bolpen na hindi ko naman binabalik. Hindi na ako at magsabi sa tsuper ng dyip na "manong, estudyante lang pow," tuwing kulang ng P1.50 ang pamasahe ko. Mamimiss ko ang lahat ng mga bagay na yun, lalo na yung pag-hingi ng pera sa magulang dahil ngayon ay under a severe level of poverty na ako. Tsk.
Medyo abnormal ang school namin o sadyang napaka-normal lang lahat ng paaralan sa buong Pilipinas kung ikukumpara sa pinapasukan ko. Lahat ng mga kaibigan ko ay nakapagupload na ng 250 photos sa Multiply at Friendster accounts nila na naka-suot sila ng toga at naka-cap na hugis noo ni Kuh Ledesma. Noong mga panahong na sila'y gumagradweyt, kami naman eh nagrereview palang sa final exams (hindi ako kasali dun). Gayunpaman, parang karera din ang graduation at kailangan mong makipag-unahan sa mga kaibigan.
Eto ang halimbawa ng aming chatlogs:
Online si Kamote. Online si Graduate.
Graduate: Oh! Kamusta ka na?
Kunwari interesado talaga siya na malaman kung kamusta ka na si Kamote pero ang totoo ay gusto lang niyang ipagyabang na siya ay graduate na.
Kamote: Nasunugan lang ako ng bahay.
Siyempre si Kamote ay laging nagsasabi ng totoo.
Graduate: Ah okay. Graduate na ako.
Concerned siya sa nasunog na bahay ni Kamote. Really.
Kamote: Talaga?
Nagdududa si Kamote. Really.
Graduate: Uhmmm... Oo.
Pinag-isipan niya. Really.
Kamote: ...
Wala na silang topic.
Graduate: O graduate ka na rin ba?
Curious siya kung nakapag-suot na ng toga ang kaibigan niya.
Kamote: Hindi pa eh kasi yung school namin ay---
Nangangatwiran si Kamote dahil nanalig siyang makakapagtapos siya.
Graduate; Ei, got 2 go nah. Aayusin pa me diploma me. Galingan mo huh. Sana makagraduate ka agad sa October.
Graduate has signed out. (3/27/2008 10:56 PM)
At least nag-paalam.
Buwan ng Mayo ang aming pagtatapos kaya nawala na yung excitement dahil sa spoiled na kami sa kung anong mga happenings sa graduation dahil karamihan ay naikwento na ng aming mga kaibigan gumradweyt noong March at April. Gayunpaman, hindi naman talaga ako naging excited dahil sa ang graduation ay ceremony lang naman. At yun nga yung ayaw ko dun.
Katulad ng Todos los Santos, Quaresma (mahal na araw), pagkuha ng lisensya sa LTO, at pagpili ng bagong Pope, napakamaraming ceremony sa graduation ceremony. Masyadong solemn. Masyadong strict. Masyadong mapag-panggap. Hanep. Lahat kailangang naka-toga na kulay itim para sa Hogwarts effect. Lahat kailangang nakapila habang nagmamartsa. Kailangang naka-hands forward at naka-hands on your back at the same time. Kailangan mong makipagkamay sa kung sinu-sinong mga tao habang tatanggapin mo yung nakabilot na papel na may ribbon na nagbabalat-kayong diploma. Aba, sigurado akong hindi masaya ang magsuot ng toga dahil never itong naging "in", at walang dudang ayaw naming lahat ang mag-hands forward at hands on our back ng sabay (although kaya naman namin). Ilan ba sa mga gumradweyt ang gustong makipagkamay sa isang taong mahigit 200 na tao na ang kinamayan? Malas mo kung Z nagsisimula ang surname mo gaya ng Zulueta, Zaragossa, o Zoraida dahil kung sakaling may SARS yung mga ibang graduates eh siguradong nahawa ka na sa dami ng mikrobyong naipasa sa pamamagitan ng hand shakes. At utang na loob naman, ang gusto namin ay diploma at hindi isang coupon bond (kokomban) na binilog na may nakasulat na "CONGRATULATIONS GRADUATES! ENROLL NOW AND GET 25% DISCOUNT AND FREE LAPTOP!" at oo, may ribbon pa. Utang na loob.
Ang isa pa sa mga pinaka-ayaw ko sa graduation ay yung maraming speech. Super dami. Akala mo nangangampanya ang mga nagtatalumpati dahil sa haba ng speech at lakas ng boses nila. Alam naman nilang walang nakikinig sa kanilang mensahe na naliligo sa mga salitang: endeavor, end of this chapter, a new beginning, difficulties in life, move forward, be strong, you are the hope of the future, keep the fire burning, keep off the grass, oust Gloria, at success--lalo na yang lecheng success na yan. Hanep. Kung magkakaroon ako ng P1.00 sa tuwing masasabi ang salitang "success" siguro may pambili na ako ng P300 na prepaid call card ng Globe--2 pcs. pa! Wow talaga. Lahat ng tao wala nang sinabi kundi success, success in life, success in your life, successful, success is in you, you is success, I can success you, you were successful until you enrolled here, at you have successfully completed your studies. Pero ano nga ba talaga ang success?
Noong nag-aapply ako ng trabaho online, kasama yan sa mga dapat sagutin na tanong. In your own words, what is the meaning success? Aba siyempre hindi ko pwedeng sagutin yan sa Kamote-style dahil kahit gago ako eh gusto ko naman ng trabaho. Ang success para sa akin ay hindi nasusukat kung anong trabaho mo, kung gaano ka kadalas tumambay sa Starbucks, kung ilan ang gelpren mo, kung gwapo ang boypren mo, at kung gaano kataas ang sweldo mo. Para sa akin, ang success, tagumpay sa wikang tagalog, ay kung nasusukat kung gaano ka nakokontento at nasisiyahan sa mga natatamasa mo. Wala yan sa dami ng comments sa blog mo at sa dami ng entries na ninakaw mo kay Kamote Force (diba Jerome Ong?). What matters most is how you look at all the things you've done. Ingles yun at hanggang ngayon feeling ko may mali sa grammar ang sentence na yun. Malamang eh nag-aabang ka na ng joke tungkol sa success at ang kinalaman nito pagkatapos mong tumae, ngunit wala akong maisip na paraan upang gawin yung joke na nakakatawa yun kaya eto, sinabi ko nalang para at least nalaman mong naisip ko rin yung naiisip mo dahil matalino nga ako dahil sa ako'y graduate na.
Yun na nga siguro yung hirap kapag gumraduate ka na. Required ka na maging successful ka ayon sa standards ng mundo dahil ikaw ay graduate. Ibig sabihin, kailangan marami kang pera at magkaroon ng isang maganda bahay na may malaking parking space upang magkasya ang limang kotse ng limang asawa mo. Nakakalungkot dahil hindi nila nakikita ang katotohanan na bumabalot sa tagumpay. Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan. Sa kabilang dako naman, ako'y napakapalad dahil natagpuan ko ang tagumpay. Tama. Natagpuan ko ang totoong tagumpay. Ang tagumpay ay nakita ko sa lugar na hindi ko inaakalang mahahanap ko--marahil yun ang dahilan kung bakit hindi ito mahanap ng ibang mga tao. Medyo nakakahiya dahil naka-shorts lang ako nung nagkita kami pero hindi talaga expected ang mga pangyayari. Habang namimili kami sa Robinsons Metro East supermarket, ayun, bigla niya akong minulto at ginulat.
Yan ang tunay na tagumpay. Sa di maipaliwanag na kadahilanan wala akong nahanap na TAGUMPAY BULAKLAK NG KAMOTE 20 grams kahit na ipinagtanong ko ito ng paulit-ulit sa mga saleslady. 30 grams meron pero wala talagang 20 grams. Kaya eto, presenting... TAGUMPAY BULAKLAK NG SAGING. Totoo nga ang sabi ni Mark Lapid, "maghanap ka man ng puno sa buong Pilinas, saging lang ang may puso," at hindi lang yun, SAGING LANG ANG TAGUMPAY--referring to the 20 grams ng bulaklak. Nakakalungkot lang dahil ayaw ng aking ina na maging succcessful ang anak niya kaya kahit anong pilit kong ipabili sa kanya ang TAGUMPAY BULAKLAK NG SAGING 20 grams, wala, ayaw talaga. Masyadong mahal ang P17.50 para sa tagumpay at hindi na daw kaya ng budget namin yun. Di bale, i-reregalo ko nalang yun sa kanya sa susunod na Mother's Day.
Congratulations sayo dahil matagumpay mong nabasa ang mahabang blog entry na ito.
Barbero alert:
- Totoong graduate na si Kamote since May 11, 2008.
- Jobless ako ngayon at hirap na hirap sa buhay. Sa mga susunod na araw, mapuputulan na siguro kami ng internet subscription at malamang yun na ang magiging wakas ng Kamote Force. Tumatanggap ako ng mga donations mula sa mga readers, concerned citizens, at mga magagandang nursing students. Pwedeng cash o kaya de-lata.
- Pramis, ilang beses ko nang tinignan pero hindi talaga diploma yung inabot sakin nung araw ng graduation.
- Ang toga sa graduation ay hindi katulad ng toga na makikita mo sa Wikipedia.
- Hindi totoo ang free laptop na pinapatalastas ng bulok naming pamantasan.
- Meron TAGUMPAY BULAKLAK NG SAGING 20 grams at matatagpuan nga talaga ito sa Robinsons Metro East. Hindi ko maalala kung P17.50 nga ang halaga nun.
- Meron pang ibang TAGUMPAY at ito ay makikita mo kapag kinlick mo ang ito.
- Hindi totoo yung chatlog.
- May mga nakapagupload nga ng 250 photos sa Multiply at Friendster.
- Nagbabalik ako ng bolpen.
- Ito ay isang quick post pero long entry. Alam kong magiging matagumpay kayo sa paghahanap ng typo. Libangan niyo yun eh. Hayup.



Bagamat galing sa BBS at 13375p34k ang w00t, ginagamit rin ito ng mga prehistoric people. Ang naturang mural ay ginawa pa umano noong 390 BC. Noong unang panahon, humuhuni pa ang mga pagong ng w00t. Originally, w00t!!! ang nakalagay diyan, ngunit dahil sa matinding vandalism at sa tanda ng natagpuang relic, uoot!!! nalang ang ating mababasa.
Tandaan natin na noong unang panahon pa lamang eh sadyang trip na ng mga intsik ang pagkain ng papel. Katulad nalang nga ng papel na nasa siopao. Hanggang ngayon, nagde-debate parin kami ng mga kaibigan ko kung talaga bang clinically tested ang pagkain ng papel na wrapper ng White Rabbit. Pero dahil wala pa namang nai-rereport sa news tungkol sa namatay dahil sa pagkain ng candy na yun o kaya naman ay tungkol sa maduming factory ng White Rabbit, I therefore conclude na safe yun.

